Puso ko (mga oras na muntik nang maatake)

Isa na namang napakasayang Sabado na puno ng kababaliwan ang lumipas. Kumain kami ng Filipino buffet sa malapit na pub at nagkantahan buong araw (gamit ang magandang karaoke system nina Ed at Macy). Maraming dumating na Briton na sobrang energetic at luko-luko na nakisama sa kantahan. Napakataas ng energy level. So far, isa yun sa mga pinaka-lively na kantahan na naranasan ko. May mga nalalaman pang hawakan ng mga kamay habang lahat ay nakikisabay sa kanta.

Pero hindi yan ang ikukuwento ko ngayon. Survey sana ito pero nasobrahan ang pagkuwento kaya hanggang dalawang tanong na lang ang nakayanan.

1. Ano ang suot mo ngayon?

Isang napakalaking puting T-shirt na may maliit na logo na “Skyteam”. Sa sobrang laki nito ay para ko nang bestida. Naging paborito ko na ‘tong pambahay kasi mas madaling kumilos at hindi ako nasisikipan pag ito ang suot ko.

Paano ko ba nakuha ang T-shirt na ‘to? Binigay ito sa akin nang mawala ang bagahe ko sa Roma dahil sa pagkakamali ng isang airline staff. Napunta ang bagahe ko sa Florence sa halip na sa Roma. Pagdating ko sa Rome airport ay wala na akong mga gamit maliban na lang sa isang maliit na handcarry bag. Pinadala na lang sa akin ang bagahe ko nang nakabalik na ako sa UK.

Ang kagandahan nito ay hindi na ako nahirapang magdala ng bagahe habang nasa Italy dahil nga wala na akong bagahe. Kaso namulubi naman ako dahil kinailangan kong bilhin lahat ng gagamitin ko habang kami ay nasa Roma (damit, tsinelas, batteries, etc.).

Heto pa, sa unang lugar pa lang na pinuntahan namin na napakaganda (Colosseo) ay biglang nasira ang memory card ng camera ko at wala pang malapit na bilihan (yung extra na memory card ay nasa bagahe na nawala). Mabuti na lang at mababait ang mga kasama ko at nagpa-ampon muna ako sa kanila pagdating sa picture-taking.

Sa kabila ng mga pagsubok (mahabang kuwento kaya hindi ko na binanggit yung iba) ay paborito ko pa din itong puting T-shirt na ‘to. Kung minsan ay napapangiti ako dahil nung oras na binigay sa akin ‘to ay ito ang gusto kong sabihin sa airline staff:

“Nawala ang buong bagahe ko dahil sa pagkakamali nyo tapos ito lang ang ibibigay nyo sa akin? T-shirt, toothbrush, toothpaste at suklay? Sa tingin nyo ba ay isusuot ko ‘tong T-shirt na ‘to habang namamasyal kami? Salamat ha. Malaking tulong!”

Siyempre, hindi ko naman sinabi yan. Na-kontrol ko naman ang aking sarili habang malapit nang tumulo ang luha ko gawa ng mga pangyayari. Marami kasing mahahalagang mga bagay na nasa bagahe na ayoko talagang mawala. Heto na lang nasabi ko:

“Thanks. Please have it delivered to my hotel as soon as you find it. I’ll call you this afternoon to check if there are any updates.”

Napakaganda ng Roma at napakabait ng mga kasama ko kaya bale-wala lahat ang mga nangyaring kamalasan. Isang magandang karanasan ang pagpunta dun hindi lang sa pamamasyal. Kasama na rin ang pagkain ng gelato (Italian ice cream) kasabay ng magandang pagsikat ng araw.

(Kung gusto mo pang maki-usisa, pakitignan na lang ang album na “Rome” sa aking profile.)

2. Kelan ka muntik nang maatake sa puso?

Kahapon.

Patience is a virtue. Pero sana hindi ito basta basta sinasabi na lang. Sana ang ‘patience’ ay may katumbas na puntos tapos kapag naka-accumulate ka ng halimbawa 100 points ay meron kang matatanggap na prize tulad ng gift certificates, fully-paid holiday trip overseas o isang refrigerator. O sige, kahit electric fan man lang. At least mapapakinabang mo pa.

Heto ang nangyari:

Huwebes. Dahil nagbagong buhay na ako at maaga na akong pumapasok ngayon ay nakarating ako sa office ng mga 7:38 am. Nakarating ako nang maayos kaso bago pa man ako magpark ay biglang huminto ang kotse at ayaw nang magstart. Sinubukan ko ulit pero pa din. Wala akong mahingan ng tulong dahil wala pang pumapasok nang ganun kaaga. Buti na lang at may dumating na isang mabait na lalake at andun din yung lalakeng receptionist (o sige, mabait din siya). Silang dalawa ang nagtulak para ma-park ko nang maayos ang sasakyan at hindi ito maging harang sa mga darating na sasakyan. Eh di ayos na. Laking pasasalamat ko dahil hindi ako sa daan nasiraan.

Kaso heto naman ang problema ko. Hindi ko na-save sa telepono ko ang number na tatawagan para magpaayos ng sasakyan. Ni hindi ko nga maalala kung anong kumpanya ang binilhan ko ng breakdown cover (yung sa insurance lang ang alam ko) kaya’t hindi ko rin ma-search sa internet. Nagbus ako pauwi at nung hapon na lang ako nakatawag para magpaayos ng sasakyan.

Pagkatawag ko ay sarado na daw ang head office kaya hindi nila ma-verify kung kasama daw ba sa policy ko ang breakdown cover. Pwede nilang ayusin nung gabing yun pero magbabayad na lang ako ng buo para sa magagastos. Sabi ko sige, bukas na lang ng umaga kapag bukas na ang head office.

Biyernes. Tumawag ulit ako nung umaga. Ive-verify daw ulit sa head office at tatawagan daw nila ako. Tinawagan nila ako at sinabing warranty lang daw ang covered ng binili kong policy at tawagan ko daw ang customer service para ipaliwanag nila ito sa akin. Tumawag ako sa customer service para makumpirma at sinabi nila sa akin na kasama ang breakdown cover sa policy ko. Hindi consistent. Sabi nila sa akin na tawagan ko daw ulit yung number na una kong kinontak. Pagkatawag ko ay sinabi nila sa akin na i-verify daw nila ulit sa head office. Halos isang oras na akong tumatawag at sumasakit na ang ulo ko pero walang nangyayari. Pinapaliwanag ko sa kanila pero sabi nila ay wala daw silang magagawa at binigay nila ang number ng customer service.

Isa’t kalahating oras na akong tumatawag at lowbat na ang cellphone ko. Paano kung sa gitna ng daan ako nasiraan ng sasakyan? Maghihintay ba ako ng 248 years bago nila ako matulungan? Pinapasa lang nila ako sa iba’t ibang number at paulit ulit ang nangyayari. Nasasayang ang oras ko sa opisina. Marami pa naman akong gagawin.

Naiba na ang tono ko. “Look, I’ve already done that. They’re not even consistent. They keep on referring me over to another person and nothing seems to be happening.”

Muntik na akong maluha sa inis. Hindi ko na magawang magpasalamat bago ibaba ang telepono dahil baka ang masabi ko ay “Thank you for wasting my time!” . Ang ginawa ko na lang ay uminom ng tubig at nagpalipas ng 39 minutes habang inaatupag ang mga kailangan kong gawin. Tapos tumawag ulit ako.

“Good morning. I have called several times since last night because there seemed to be a confusion on whether my policy includes a breakdown cover or not. Now, to make things easier, I’ll just pay for whatever cost it would take to fix my car.”

Ayoko nang ma-stress pa gusto ko na lang mapadali ang lahat. Sa wakas ay dumating na din ang masayahing mekaniko at inayos ang naputol na wire na naging dahilan kung bakit hindi ko ma-start ang sasakyan. Nakakaaliw siyang kausap (at gusto pang magyayang magkape na siyempre hindi naman pwede) at naging masaya ulit ako nung araw na yun.

Siguro sa susunod na masiraan ako ng kotse ay iinom muna ako ng sangkatutak na pampakalma bago ako tumawag upang humingi ng tulong. At least ngayon alam ko na. Eh kung sigawan ko na lang kaya sila sa telepono para maiba naman? Ayoko. Baka kasi magkatotoo na may corresponding points ang patience. Baka manalo ako ng electric fan.

* * *

Word for the day: Kapangyarihan – natutunan ko ang ibang kahulugan nito sa kapatid ko. Sabi nya, siguro kapag hindi na naligo ng ilang buwan (o mga 128 years) ay magkakaroon ka nito. Sa Ingles ay tinatawag itong power (kilikili power to be more specific). Pero para hindi maging obvious, kapangyarihan na lang.

Mahaba-haba rin ang kuwentong ito. Wala bang bayad man lang para sa effort?

* * *

Gandang araw sa ‘yo! :-)

August 17th, 2008 @ 05:46 AM • Filed under Filipino, Writings

2 Comments

coco said,

Comment • August 17, 2008 @ 7:12 am

les, ano bang insurance company kinuha mo hehehe =D

arnel said,

Comment • August 18, 2008 @ 2:00 am

grabe naman pala ang karanasan mo leslie hehe..pero naaliw naman po ako sa iyong kwento..magaling ka pa din talaga magsulat..hehe…idol talaga kita:-)

Iyang huli mong sinabi tungkol sa kapangyarihan, naku napakarami dito ang meron niyan. At ang mga kasama kong kabayan dito eh obvious na ipinapakita sa mga taong may kapangyarihan na ayaw nila sa kapangyarihang ito. Nagtatakip sila ng kanilang ilong habang sila ay nasa harapan mismo ng mga may kapangyarihan hehehe…at laging bukambibig ang mga katagang “shet ang baho”, “shuhada”, “ano ba yan”, bwiset…nakakasakit ng ulo…

RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment