Kuwentong bahay
Kung minsan kapag nagkukuwento ako ay paulit-ulit na lang ang sinasabi ko. Ngayon ay naisipan kong isulat na lang para minsanan na.
Tungkol ito sa tinitirhan namin ng flatmate ko dito sa UK. Malapit ito sa mall at sa tabi nito ay may dumadaloy na tubig. Madalas marami kaming bisita dahil nasa sentro ito mismo ng Reading at madali lang puntahan.
Puwede ka ring bumisita. May mga bagay nga lamang na baka gusto mong malaman:
1.) Unti-unti nang napupundi ang mga ilaw sa bahay. Yung ibang bombilya ay mahirap palitan kasi ibang klase. Heto ang bilang ng mga pundido sa ngayon:
Kusina – 2 out of 3
Sala – 1 out of 3
Sa kanya-kanya naming kuwarto ay ilang beses na kaming nakapagpalit ng bombilya. Sa corridor ay ilang beses na ring napundi ang ilaw.
Payo: Madaling masira ang mga bombilya dito sa UK. Kung may uuwi sa Pinas, wag kalimutang magdala ng maraming bombilya pagbalik mo. Habang hindi pa nakakauwi, mag-imbak ka muna ng maraming kandila at flashlight.
2.) Meron kaming maliliit na canvass paintings sa sala. Dinikit ko ang mga ‘to gamit ang double-sided tape dahil bawal magbutas sa pader. Dahil nga tape lang ang gamit ko ay madalas itong mahulog. Ang exercise ko tuwing umaga ay pulutin ang painting na nahulog at idikit ulit. Minsan habang may bisita kami ay biglang may isang painting na nahulog at muntik nang matamaan ang bisita.
Payo: Pag pupunta ka sa bahay, siguraduhing may life insurance ka para covered ka sa mga posibleng injuries.
3.) Minsan habang palabas kami ng building ay humampas ang malakas na hangin at bumalibag ang pinto sa pader. Siyempre nasira ang pader… este ang pinto. Natakot ako dahil baka matamaan si Melay (kasunod ko lang sya kasi ako ang nagbukas ng pinto) at malamang ay tulog siya nun. Muntik nang matanggal ang pinto dahil sa napakalaking crack. Hindi namin ‘to ni-report sa kinauukulan dahil mabibisto na kami ang salarin. Medyo naayos na ngayon pero hindi pa rin napapalitan. Kita pa rin ang mga basag na salamin.
Payo: Pwede rin palang hindi umamin. Biro lang. Pakiramdaman muna kung malakas ang hangin bago buksan ang pinto. At kung malakas man, dapat ikaw ang unang magbukas (at lumabas ka agad) para di ka tamaan sakaling bumalibag. At siyempre, siguraduhing insured ang kasunod mo. (Naku, baka isipin nyong nagbebenta ako ng life insurance.)
4.) Kung minsan, may sira ang elevator. Dati nawalan ‘to ng ilaw (hay, bombilya na naman) kaya’t sobrang dilim pag gabi. Tapos minsan natakot ako kasi umuga nang malakas na parang sira talaga. Hindi lang sa akin nangyari yun. Pati rin sa iba. Minsan na-trap doon ang mga kaibigan ni Melay sa loob ng sampung minuto.
Payo: Kung nagkataong sira ang elevator habang nakasakay ka, eh ganun talaga. O sige, maghagdan ka na lang araw araw hanggang sa ikaapat na palapag. Ano? O di kaya’y ipagdasal mo na sana ay meron na naman responsableng mamamayan na magreport ng sirang elevator sa kinauukulan upang maayos ito (katulad ng #3 sa taas). Oo, ganun talaga, umasa… este magtiwala ka sa kapwa mo.
5.) Nasira ang heater at boiler namin. Yan ang dahilan kung bakit medyo maginaw sa loob ng flat namin sa mga nakaraang linggo. Mabuti at naayos na ang boiler kanina. Minsan natanggal din ang pinto ng oven pero naibalik namin. Medyo nasira din ang wall clock (at tamad akong i-adjust kasi wala na akong double-sided tape). Nasira din ang magic sing. Minsan nasira pa ang automatic gate sa parking lot (sinisipa namin dati baka sakaling gumana – hindi ko ata dapat sinabi ‘to baka mae-evict kami) pero naayos na ngayon. Sa susunod huwag mo na akong tanungin kung alin pa ang hindi nasisira dahil tiyak na mahihirapan ako sa pagsagot.
Payo: Uso pala dito ang nasisira. Isipin mo na lang, nasa uso ka na, nakakatipid ka pa sa kuryente.
6.) May Christmas tree pa rin kami hanggang ngayon. Nagpapaganda kasi ito sa sala. At hindi naman ito nakakasagabal sa maayos naming pamumuhay kaya hindi pa namin ito tinatanggal. Diba, may pelikula pa nga noon na Christmas Everyday?
Payo: Maraming palusot sa katamaran. Siguraduhin lang na hindi ka mahalata.
7.) Masarap matulog sa flat namin. Sa sobrang pagtulog namin ay madalas gahol na kami sa oras. Wala akong maalala na lumabas ako ng bahay na hindi tumatakbo at hinihingal. Lagi ko ring hindi naaabutan ang target ko na train o bus at kapag naaabutan ko man (na bihirang mangyari) ay daig ko pa ang nanalo sa lotto sa pagkasuwerte.
Payo: Pag dito ka nakatira ay huwag kang bumili ng mga sapatos na mataas ang heels dahil mahirap itong gamitin sa pagtakbo. Gumawa ng paraan para magising nang maaga – huwag hayaang lumaki masyado ang mga binti dahil sa kakatakbo. Oo nga pala, bumili na ako ng flying alarm clock (hindi ako nagbibiro). Ide-deliver pa lang. Babalitaan ko kayo kung may pagbabago. Mahirap na kasi baka dahil sa kakatulog ay mawalan ng trabaho, mawalan ng pambayad sa renta at higit sa lahat – mawalan ng bahay na maikukuwento.
Hanggang sa susunod na kuwento! =)
* * *
1 Comment
RSS feed for comments on this post. TrackBack URI
Reiland said,
Comment • September 10, 2008 @ 11:12 am
ang saya magbasa ng mga payo at karanasan mo.. lubos akong naaaliw.
ngayon pang nahanap ko ang site na ito.
ayaw kong magmistulang stalker pero idol kita dahil magaling kang sumulat
at magaling din sa ibang bagay kagaya ng katarantaduhan,, este sa trabaho pala…
pagpalain ka nawa…